CAUAYAN CITY – Umabot na sa 349 na indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation Center dahil sa isinasagawang preemptive evacuation sa mga lugar na apektado ng bagyong Kiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Conag, ang Information Officer ng OCD Region 2, sinabi niya na umabot na sa dalawamput apat na pamilya na may kabuuang walumput anim na indibidwal ang lumikas sa bayan ng Lallo Cagayan dahil sa bagyong Kiko.
Walumput siyam na pamilya o dalawandaan tatlumput isang indibidwal na rin ang lumikas sa bayan ng Maconacon Isabela habang nasa pitong pamilya rin na binubuo ng tatlumput dalawang indibidwal ang lumikas sa bayan ng Divilacan.
Ayon kay Information Officer Conag maaari pang madagdagan ang nasabing bilang dahil patuloy ang isinasagawang preemptive evacuation sa mga mamamayang nasa low lying at landslide prone areas sa rehiyon lalo na sa mga island municipalities na pangunahing tatamaan ng bagyo.
Ayon kay Ginoong Conag may mga naitala nang pagtaas ng lebel ng tubig sa mga low lying areas at hindi pa naman ito gaanong malala ngunit inaasahan na tataas pa ito sa idudulot na ulan ng bagyong Kiko kaya agad nang pinalikas ang mga mamamayan na maaaring maapektuhan.
Patuloy din ang monitoring ng OCD Region 2 sa mga bayang isla sa Batanes, Babuyan at Calayan Islands na pangunahing apektado ng bagyo sa pamamagitan ng radio communication at social media kung saan nag uulat ang mga LGUs doon ng kanilang sitwasyon.
Muli namang pinaalalahanan ng OCD Region 2 ang mga residenteng malapit sa mga anyong tubig sa mga lugar na posible ang pagguho ng lupa na lumikas na upang mailayo sa kapahamakan.











