
CAUAYAN CITY – Dahil sa humanitarian consideration, nais ni Gov. Rodito Albano na hindi gaanong maghigpit kundi papasukin sa mga boundary checkpoint ang mga uuwing taga-Isabela na galing sa Metro Manila o ibang lugar.
Kawawa aniya ang mga uuwi kung pababalikin sila sa kanilang pinanggalingang lugar lalo na sa Metro Manila dahil sa mahirap na kalagayan doon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na dapat ang mga uuwi mula sa ibang pook ay magreport sa kanilang Municipal Health Office (MHO) o sa kanilang barangay para matutukan ang kanilang kalagayan.
Dapat ding ireport ng kanilang kapitbahay kung dumating sila na walang pasabi.
Ayon kay Gov Albano, maaaring matapos sa susunod na linggo ang QR Code na ipatutupad sa Isabela tulad ng ipinatutupad sa Lunsod ng Makati at lunsod ng Mandaluyong.




