CAUAYAN CITY – Sasampahan ng patung-patong na kaso ang isang 21 anyos na car sales agent na umanoy bumaril at nangholdap sa Malapat, Cordon, Isabela sa isang negosyante kaugnay ng kanilang transaksiyon sa pagbili ng motorsiklo.
Ang suspek ay si Joshua Bautista, residente ng Sinsayon, Santiago City habang ang biktima ay si AI Dexter Belo, 29 anyos, at residente ng Silverland Subdivision, Patul, Santiago City.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Cordon Police Station, lumalabas na panghoholdap ang pangunahing motibo ng suspek na unang nakipag-negosasyon kay Belo para sa ibebentang motorsiklo.
Nais ng biktima na bilhin ang isang Yamaha Nmax na nagkakahalaga ng 50,000 pesos.
Sinabi umano ni Bautista na dalhin ni Belo ang nasabing halaga at daanan siya sa pagtungo sa nasabing bayan upang makipagtransaksyon sa umanoy seller ng motorsiklo kaya lumalabas na magkasamang nagtungo ang dalawa sa bayan ng Cordon sakay ng isang pulang motorsiklo.
Nang makarating sa barangay Malapat ay sinabihan umano ng suspek ang biktima na kukunin nito ang hawak niyang pera at siya na lamang ang makikipagtransaksyon sa nagbebenta ng motorsiklo.
Pinatigil pa umano ni Bautista si Belo sa pagmamaneho ng kaniyang motorsiklo upang umanoy umihi.
Gayunman, bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima ng tatlong beses na tumama sa kaliwang bahagi ng dibdib, kaliwang braso at isang daplis sa batok nito.
Mapalad na nakaligtas si Belo matapos matawagan ang kaniyang misis na siyang nagpaabot ng impormasyon sa mga awtoridad at nagdala sa ospital.
Natagpuan ang sasakyan ng biktima sa Buenavista, Santiago City matapos na iwan doon ng suspek na may mga bakas ng dugo.
Nasa ligtas nang kalagayan si Belo na patuloy na ginagamot sa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Police Station, sinabi niya na bagamat sumuko sa mga awtoridad, itinatanggi ng suspek na siya ang bumaril kay Belo.
Sumuko umano si Bautista upang linisin ang kanyang pangalan.
Sinabi ni PMaj Mallillin na hindi isinasantabi ang posibilidad na maaaring sangkot sa organisadong grupo si Bautista dahil sa isinagawang modus laban sa biktima.





