Minimal lamang naitatalang pinsalang dulot ng malakas-lakas na lindol na nanggaling sa katimugang bahagi ng Luzon.
Lunes ng ala una ng madaling araw nang maitala ng Phivolcs ang isang 5.7 magnitude na lindol, na may epicenter na dalawamput tatlong kilometro mula sa Looc, Occidental Mindoro.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Georgina Opinion, ang tagapagsalita ng OCD MIMAROPA, sinabi niya na minor damage lamang ang naitala sa nasabing pagyanig.
Aniya tanging sa Looc Mindoro lamang ang nakapagtala ng pinsala tulad ng naireport sa tanggapan ng OCD na damage wall o bumagsak na pader ng isang warehouse doon na maituturing na ring dilapidated o mahina na ang nasabing gusali sa katagalan nito.
May naitala ring damage wall sa isang kusina ng bahay sa nasabi ring lugar na ayon kay Opinion mahina ang pundasyon ng bahay kaya ito bumagsak.
Laking pasasalamat naman ng OCD MIMAROPA na minimal lamang ang naitalang pinsala ng lindol sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Information Officer Opinion wala ring naitalang pinsala ang mga sumunod na aftershocks at malaki ang naitulong ng kahandaan ng mga tao na agad na nilisan ang mga delikadong lugar kaya walang naitalang casualty.











