CAUAYAN CITY – Naramdaman na ng mga vegetable farmers sa Benguet ang pagkilos ng ilang ahensiya ng pamahalaan sa kanilang reklamo hinggil sa pagdagsa sa pamilihan ng mga carrots na galing sa China.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Manager Agot Balanoy ng Highland Farmers Multi-Purpose Cooperative na nalaman nila ang pagdagsa ng supply noong Agosto dahil napansin nila ang mga buyers na nag-oorder sa kanila ng tone-toneladang carrots ay 200 hanggang 300 kilos na lang ang binibili at ang iba ay hindi na nag-oorder sa kanila.
Nang tanungin nila ang mga buyer ay sinabi nila ang pagdagsa ng mga carrots na galing China at ito na ang binibii nila dahil mas mura ang presyo.
Nang dumulog sila sa Bureau of Plant Industry (BPI) ay napag-alaman nila na walang ibinigay na legal importation permit para sa pag-angkat ng mga carrots at cabbage.
Nang magreklamo naman sila sa Department of Agriculture (DA) ay iginiit na walang smuggled na carrots.
Gayunman, hindi sila naniwala dahil walang bumibili sa mga tanim nilang carrots kaya nagsagawa sila ng pag-iimbestiga at kumuha ng mga ebidensiya na maraming suplay ng carrots at nagkalat sa malalaking merkado sa bansa tulad sa Cebu City at Urdaneta City, Pangasinan.
Nagreklamo sila sa Bureau of Customs (BOC) hinggil sa ginagawang technical smuggling.
Ito ay ang pagpasok sa Customs ng container van na ang papeles ay para sa sugar bits at prutas ngunit ang laman nito ay tone-toneladang mga carrots.
Ayon kay Manager Balanoy, dahil sa natuklasan ay naawa sila sa mga miyembro na magsasaka kung paano makabawi sa kapital sa pagtatanim ng mga carrots dahil una silang nalugi dahil sa halos isang buwan na pag-ulan sa Benguet at nang medyo makabawi sila ay apektado na naman sila ng smuggled na carrots.
Ang carrots mula sa China ay nagkakahalaga ng 20 hanggang 25 pesos bawat kilo habang sa kanila ay 25 hanggang 40 pesos at mayroon pang transportation cost.
Tumatagal aniya ng kahit ilang buwan ang mga carrots na mula sa China dahil lumabas sa kanilang test na may formalin kaya hindi ligtas sa mga tao.
Mas malaki at mas makinis ang itsura ng mga ito ngunit inaabot ng buwan bago malusaw habang ang mga lokal na carrots ay nalulusaw matapos ang tatlong araw na palatandaan na mas ligtas itong kainin.
Ayon kay Manager Agot Balanoy, sinulatan nila ang DA, BOC at ilang opisyal ng pamahalaan at ngayon ramdam na nila na may positibong action dahil sinalakay nila ang cold storage sa Cebu na nagtatago ng mga smuggled carrots.
Ang mga nagkansela ng mga naunang order ay muling nag-order sa kanila ng mga carrots.





