--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang pagkakatala ng mga  kaso ng African Swine Fever (ASF) sa ikalawang rehiyon.

Ito ay naitala  sa apat na bayan sa Cagayan na kinabibilangan ng Iguig, Tuao, Piat at Pamplona habang Diffun sa lalawigan ng Quirino.

Ito ay bunsod umano  ng pagpasok ng meat products at mga buhay na baboy mula sa ibang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA region 2 na kailangang maagapan para hindi na muling kumalat ang ASF sa iba pang bayan at lunsod sa  ikalawang rehiyon,

--Ads--

Isinailalim sa culling at ibinaon sa lupa ang mga naapektuhan ng ASF.

Ayon kay Dr. Busania, hindi naman gaanong maraming baboy ang naapektuhan tulad sa mga nagdaang pananalasa ng ASF noong nakaraang taon.

Kapag lumalabas na aniya ang resulta ng pagsusuri ng Regional Animal Diagnostic Laboratory sa Tuguegarao City sa mga specimen sample na mula sa isang lugar ay  agad na nagkakaroon ng depopulation ng mga baboy sa pamamagitan ng pagsailalim sa mga ito sa culling at paghukay sa lupa.

Sinabi ni Dr. Busania na ang mga ibinabiyaheng karne ng baboy  na nasa styrofoam na lulan ng mga pribadong sasakyan ay mahirap na ma-detect kumpara sa ipinapasok sa live weight.

Sa mga kalapit na barangay aniya na hindi tinamaan ng ASF ay puwedeng mag-alaga ngunit kailangan ang ibayong pag-iingat sa bio-security.

Huwag  magpapasok ng ibang tao at huwag magpakain ng mga tira-tirang pagkain lalo na kung galing sa mga restaurant.

Marami ang hindi na nagpatuloy sa pag-aalaga pangunahin ang mga commercial  hog raisers dahil sa pagkalugi.

May mga kompanyang nagpapatupad ng contract growing para muling maparami ang suplay ng baboy sa rehiyon.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Roberto Busania