CAUAYAN CITY – Nasa moderate risk classification na ang rehiyon dahil bumababa na ang bilang ng mga naitatalang kaso ng nagpopositibo sa Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH Region 2 sinabi niya malaki ang naitulong ng maigting na pagpapatupad ng mga LGUs at iba pang ahensya sa mga health protocols sa kanilang mga nasasakupan.
Bagamat nasa moderate risk na ang rehiyon ay may mga lugar pa ring maituturing na high risk tulad ng lalawigan ng Batanes, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino maging ang mga lunsod ng Ilagan at Santiago habang moderate na ang lalawigan ng Cagayan.
Matatandaang tumaas ang kaso ng Batanes sa mga nagdaang linggo at dahil dito ay may mga ipinadala ang DOH katuwang ang mga referral hospital sa rehiyon tulad ng CVMC, R2TMC at SIMC ng mga gamot at iba pang logistics tulad ng PPEs na kailangan ng mga health worker at pasyente sa nasabing lugar.
Nagbigay din sila ng karagdagang human resources dahil sa kakulangan na ng health workers sa Batanes General Hospital dahil nagpositibo ang ilan sa kanila.
Ang mga critical patients ay kinailangan namang dalhin sa CVMC sa pamamagitan ng airlift ngunit nagkaproblema sa gagamiting eroplano kaya nagrenta na lamang sila ng private air ambulance
Patuloy namang nakamonitor ang DOH Region 2 sakaling kailanganin ng Batanes ang tulong bagamat sinabi na ni Dr. Jeffrey Canceran ng Batanes General Hospital na kasya na ang mga gamot at iba pang pangangailangan na naipadala sa kanila.











