CAUAYAN CITY – Kahit kasalukuyan pa ang anihan ay may schedule na ang NIA MARIIS kung kailan ang release o pagbubukas ng patubig para sa mga magsasaka sa susunod na pagtatanim.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Josue Sabio, ang Acting Dept. Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na sa ikalabing walo ng Oktubre ang inisyal na pagbubukas ng kanilang irigasyon para sa wet cropping season.
Bagamat walang cut off dahil mayroon pa rin namang dumadaloy na tubig sa irigasyon ay babawasan lamang ng NIA MARIIS ang volume nito bilang paghahanda sa nalalapit na cropping season maging ang pagbibigay ng mas malaking volume sa Aboitiz Power para sa power generation.
Dahil tumataas ang lebel ng tubig sa Magat Dam ay pinayagan ng NIA MARIIS ang Aboitiz Power na gumamit ng mas maraming volume tubig kumpara sa sa tubig na pumapasok sa irigasyon.
Dahil panahon na ng pag aani ay halos wala nang gumagamit ng patubig kaya pinagbigyan nila ang Aboitiz na gumamit ng mas malaking volume ng tubig para sa power generation nito.
Kahit malaki ang inflow ng tubig mula sa watershed areas ng dam dahil na rin sa mga pag ulang idinulot ng bagyong Lannie ay malayo pa o anim na metro pa ang layo sa spilling level.
Dahil dito ay walang inaasahang pagbubukas ng mga spillway gates ng dam ngunit kung sakaling tumaas ang lebel ng tubig sa reservoir ay unti-unti ang isasagawang release upang hindi lubhang maaapektuhan ang mga nasa ibabang bahagi ng dam.











