
CAUAYAN CITY – Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang lubid ang isang ama na inakusahang ilang beses na minolestiya ang anak sa Maconacon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Rodolfo Marin, deputy chief of police ng Maconacon Police Station na dumulog sa kanilang himpilan ang isang ina kasama ang 13 anyos na anak dahil sa panggagahasa umano ng kanilang padre pamilya.
Nagsimula umano ang pangmomolestiya sa dalagita ng kanya ama noong siya ay nasa grade 3 at grade 5 at ang pinakahuli ay noong September 29, 2021.
Sinasamantala umano ng ama na gahasain ang anak kapag wala silang kasama sa bahay.
Hindi agad nagsumbong ang dalagita dahil sa pagbabanta sa kanya ng ama.
Ayon kay PLt Marin, sinamahan ng mga kawani ng MSWDO ang mag-ina at nagkaroon ng pag-uusap kasama ang suspek.
Hiniling ng misis na hindi muna umuwi sa sa kanilang bahay ang asawa para hindi malapitan ang dalagita.
Ang barangay kapitan sa kanilang lugar ay nagpalabas ng barangay protection order at pinayagang mamalagi muna ang suspek sa isang silid sa barangay hall dahil wala siyang kamag-anak sa Maconacon na kanyang tutuluyan.
Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Patroman Marvin Sapongay, investigator ng Maconacon Police Station na dakong alas kuwatro ng hapon noong October 5, 2021 ay nakausap pa ang suspek at nagpaalam na lilinisin ang likurang bahagi ng kanyang tinutuluyan.
Nang mapansin nilang nakalock ang loob ng silid ay inatasan ng barangay kapitan ang chief tanod na tingnan ang silid.
Nagkataon namang dumalaw ang misis at nagtaka na nakalock sa loob ng silid kaya dumaan sila sa bintana at nakitang ang nakabitin at wala nang buhay na katawan ng suspek.
Ayon kay Patrolman Sapongay, kumbinsido ang kapamilya ng suspek na siya ay nagpakamatay at walang foul play.
Malamang umanong nakonsensiya ang ama sa ginawa sa kanyang anak na panganay.




