CAUAYAN CITY – Maliban sa mga frontline agencies na nagsasagawa ng mga aktibidad para sa bagyo ay nagsasagawa rin ng monitoring ang DTI Isabela sa mga operasyon ng mga bahay kalakal sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Maring.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmer Agorto, Senior Trade and Development Specialist ng DTI Isabela, sinabi niya na bago pa man dumating ang bagyong Maring sa bansa ay nagsagawa na sila ng pag iikot upang mamonitor kung sinasamantala ang presyo ng mga bilihin ng ilang mga establisimiento dahil sa kalamidad.
Matapos ang pananalasa ng bagyo ay nakipagkoordinasyon sila sa mga DRRMOs ng mga bayan upang malaman kung may mga nasirang establisimiento at upang makaisip sila ng maaaring maitulong sa mga ito.
Aniya kung may mga establisimientong naaapektuhan ay maaaring magtaas sila ng presyo ng paninda dahil sa nais nilang bumawi sa nawalang kita o nasirang produkto.
Batay sa kanilang monitoring normal naman ang operasyon ng mga bahay kalakal maging ng mga palengke ng mga bayan at lunsod sa lalawigan maliban sa mga isinailalim sa lockdown dahil sa pagkakaroon ng kaso ng Covid 19.
Ayon kay Ginoong Agorto, ang kanilang napansin sa monitoring ay kakaunti na lamang ang bilang ng mamimili na maaaring epekto pa rin ng pandemya dahil takot na ang mga tao na lumabas o minsanan na lamang silang mamili ng kanilang pangangailangan upang makaiwas sa virus.
Hindi rin nagkaroon ng panic buying bago pa man manalasa ang bagyong Maring na ayon kay Ginoong Agorto kadalasan na itong nangyayari tuwing may dumarating na kalamidad pangunahin na ang mga malalakas na bagyo.
Wala rin silang namonitor na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa bagyo maliban sa naunang taas presyo dahil sa pagbabago ng suggested retail prices o SRP ng mga pangunahing bilihin noong buwan ng Agosto.
Sa susunod na buwan inaasahan naman ng DTI Isabela na magpalabas ang punong tanggapan ng suggested retail prices ng mga noche buena products.











