CAUAYAN CITY – Kasalukuyan ang second semester pay-out sa mga Social pensioners sa rehiyon dos
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Fernando Bainto, Focal Person ng Programang Social Pension ng DSWD Region 2 na noong nakaraang linggo ay animnaput walong Local Government Units mula sa siyamnaput tatlong LGU’s ang natapos na ang pay-out.
Ngayong linggo ay mayroong sampong LGUs ang isasagawa ang pay-out na kinabibilangan na mga bayan ng Lallo, Lasam, Buguey, Piat at Solana sa Cagayan; Lunsod ng Ilagan, Angadanan, San Mariano, Cordon, San Isidro sa Isabela; Bayombong sa Nueva Vizcaya at Diffun sa Quirino
Puntirya nilang tapusin ang pamamahagi ng pay-out sa katapusan ngayong Oktobre, 2021.
Kinakailangan nilang tapusin ang pay-out sa katapusan ngayong Oktobre upang sa buwan ng Nobyembre ay aasikasuhin naman ang mga hindi nakatanggap ng social pension sa una at pangalawang semestre.
Sinabi pa ni Ginoong Bainto na malaking suliranin ngayon ang pandemya sa pagtanggap ng mga Senior Citizens ng kanilang social pension.
Dahil anya sa ipinapatupad na lockdown sa iba’t ibang mga bayan ay maraming matatanda ang hindi nakakatanggap ng kanilang social pension.
SAMANTALA, patuloy na hinihikayat ang mga Senior Citizens na magpabakuna kontra COVID-19 upang mapalakas ang kanilang immune system.
Inihayag ni Ginoong Bainto na ang bakuna kontra COVID-19 ay makakatulong sa mga matatanda upang mapataas ang kanilang immune system
Ang mga bakunado namang senior citizens ay maaari ding payagang lumabas upang kunin ang kanilang social pension.











