
CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit 23 million pesos ang halaga ng mga plantasyon na Marijuana na sinunog ng Kalinga Police Provincial Office (KPPO) sa isinagawa nilang operasyon ngayong Oktubre kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol Davy Vicente Limmong, panlalawigang Director ng KPPO na umabot sa 90,000 na puno ng fully grown Marijuana na nakatanim sa mahigit 8,500 square meters na lupain ang kanilang sinunog sa mga isinagawa nilang operasyon mula October 16-20, 2021.
Kasama nilang sinunog ang 45 kgs ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana na natagpuan din nila sa lugar.
Sinira nila ang plantasyon ng Marijuana na natagpuan nila sa tatlong magkakahiwalay na lugar.
Patuloy ang kanilang operasyon laban sa plantasyon ng mga Marijuana na itinatanim sa mga malalayo at bulubunduking lugar sa Kalinga.

Inamin ni PCol, Limmong na nahihirapan sila sa pagtukoy sa mga nagtatanim ng Marijuana kaya walang nadarakip sa kanila.
Gayunman, bumaba na aniya ang bilang ng mga ito dahil sa patuloy nilang operasyon mula noong 2017.
Ang mga nagtutungo sa Kalinga mula sa Metro Manila ay posibleng may mga kontak silang galing sa Kalinga.
Nakikipag-ugnayan sila sa PDEA at iba pang law enforcement agency para kumuha ng impormasyon kaya marami silang nahuhuli na sangkot sa bentahan ng Marijuana.
Ayon kay PCol Limmong, hinigpitan din nila ang kanilang pagmamando sa mga boundary checkpoint para mahuli ang mga nagpupuslit ng illegal na droga.




