
CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng preparasyon at deployment ng mga kasapi ang Cauayan City Police Station na magbabantay sa nalalapit na Undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Scarlette Topinio ang tagapagsalita ng Cauayan City Police Station sinabi niya na naghahanda na sila para sa gagawing pagbabantay sa mga sementeryo na pansamantalang isasara mula ikadalawamput siyam ng Oktubre hanggang ikaapat ng Nobyembre.
Pinaalalahanan naman ni PLt. Topinio ang mga mamamayan na agahan na ang pagbisita sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay upang maiwasan ang dagsaan ng tao sa sementeryo na maaaring magdulot ng super spreader events ng Covid 19 at pagtaas na naman ng kaso sa lunsod.
Pinaalalahanan din niya ang mga mamamayang magtutungo na mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng nakalalasing na inumin sa sementeryo hanggat maaari ay iwasan na lamang na magtagal sa lugar.
Sa pagtungo ng mga mamamayan sa mga sementeryo ay tiyaking nakakandado o may nagbabantay sa kanilang bahay na iiwan upang maiwasanang pagnanakaw maging ang pagtiyak na nakasara o walang nakasaksak na mga appliances upang maiwasan ang sunog.










