--Ads--

CAUAYAN CITY – Isasabay ng HPG Isabela ang pagbabantay sa Border Checkpoints at sa mga sementeryo upang matiyak na nasusunod ang ibinabang panuntunan ng pamahalaan na regulated na pagdiriwang ng Undas at maiwasan ang hindi kanais nais na pangyayari.

Dahil regulated ang pagdiriwang ngayon ng araw ng mga patay at pansamantalang isasara ang mga sementeryo ay hindi gaanong mahihirapan ang HPG Isabela sa kanilang pagbabantay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Rey Sales, ang Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niya na mas nakapokus sila sa pagbabantay sa mga boundary checkpoints dahil regulated naman ang mga sementeryo.

Matatandaang tuwing Undas ay may mga inilalatag na assistance desk ang HPG Isabela para sa mga mamamayang uuwi sa lalawigan.

--Ads--

Maliban dito ay may mga mobile patrol din silang mag iikot sa mga sementeryong malapit sa pambansang lansangan upang mamonitor ang sitwasyon.

Magbabantay pa rin ang HPG Isabela kaugnay sa mga nangyayaring carnapping lalo na ng motorsiklo tuwing Undas dahil madalas na sa mga ganitong sitwasyon gumagalaw ang mga masasamang loob.

Paalala ni Major Sales sa mga motorista na tiyaking nakalock ang kanilang mga sasakyan at iwanan sa mga lugar may maraming tao.

Aniya kailangang isaalang alang pa rin ang pagsunod sa mga health protocols dahil kahit bakunado na kontra covid 19 ay hindi pa rin tiyak ang kaligtasan sa sakit.

Para naman sa mga uuwi sa lalawigan ay kailangan pa ring magdala ng health certificate na galing sa MHO at sa Brgy na kanilang pinanggalingan maging ang kanilang antigen test result upang sila ay payagang makauwi sa kani-kanilang mga lugar.