--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang mag-ina habang nasugatan ang isa pa nilang kapamilya matapos mabangga ng isang fuel tanker ang sinasakyang motorsiklo sa daan sa La Paz, Saguday, Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Alex Orbillo, hepe ng Saguday Police Station, sinabi niya na dead-on-the spot ang tsuper ng motorsiklo na si Joel Tagarino, 20 anyos, binata at security guard habang dead on arrival sa ospital ang kanyang ina na si Dionisia Tagarino, 50 anyos, kapwa residente ng San Isidro, Diffun, Quirino.

Ang isa pang anak ni Gng. Tagarino na si Leah Joy, 17 anyos at estudiyante ay nakaligtas ngunit nagtamo ng bali sa braso at sugat sa dibdib.

Ang driver ng fuel tanker ay si Rhonel Tampos, 35 anyos at  tubong San Isidro, Montalban, Rizal.

--Ads--

Ayon kay PCapt Orbillo, batay sa kanilang imbestigasyon, galing sa   Rizal, Saguday, Quirino ang fuel tanker at patungong Santiago City nang mabangga ang motorsiklo na galing sa intersection at palabas sa national highway.

Tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo matapos itong mabangga ng fuel tanker.

Nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang mag-inang Tagarino na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Pauwi sana ang mag-iina sa Diffun,Quirino nang mangyari ang aksidente.

Sinabi ng tsuper ng fuel tanker na si Tampos na sinikap niyang iwasan ang motorsiklo ngunit nabangga pa rin.

Ang pahayag ni PCapt Alex Orbillio