--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng Brgy Kapitan ng San Placido na kasama ang biktimang si Sovero Nel Sante sa nangyaring rambulan sa kanilang Brgy.

Matatandaang una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na natagpuang wala nang buhay sa Siffu River si Sovero, ilang araw matapos umanong kunin ng mga barangay Tanod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Noel Navalta ng Brgy. San Placido Roxas Isabela, sinabi niya na hindi kasama ang biktima sa nangyaring gulo kundi tanging ang barkada lamang nito ang sana ay dadalhin sa Police Station ngunit kusa itong sumama sa mga tanod.

Aniya hindi sana nila isasama ang biktima dahil hindi naman ito kasali sa rambulan ngunit dahil sa dadalhin ang barkada nito sa Pulisya ay kusa itong sumama.

--Ads--

Batay sa sinabi ng mga tanod kay Kapitan Navalta, galing umano ang biktima sa mga barkada nito sa Brgy. Sotero Nueza kaya nang mapadaan sa nasabing Brgy ay sinabi niya na bababa na siya roon dahil ayaw na niyang sumama sa Police Station at doon na lamang matutulog.

Itinuloy namang dalhin ng mga tanod ang barkada nito sa Police Station na nakatulog na sa sobrang kalasingan.

Matapos madala sa Police Station ay agad ding bumalik ang mga tanod sa kanilang outpost.

Ayon kay Kapitan Navalta walang kinalaman ang biktima sa nangyaring rambulan bagamat may kinasangkutan itong unang gulo sa nasabi ring brgy.

Nakiusap naman siya sa mga kapamilya ng biktima na huwag agad ibuntong sa kanila ang galit dahil hindi naman niya ito pinahuli sapagkat wala naman itong kasalanan sa nangyaring gulo.

Ngayong araw ay nakatakdang magtungo ang Brgy Kapitan sa pamilya ng biktima upang makipag usap at masabi ang kanyang panig.

Ang bahagi ng pahayag ni Brgy. Kapitan Noel Navalta.