--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang napabilang na eskwelahan sa ikalawang rehiyon sa pilot testing ng face to face classes ng DEPED dahil hindi nakapasok sa isinagawang granular risk assessment ng DOH ang mga bayan at lunsod sa rehiyon.

Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng DEPED Region 2 na si Ginoong Amir Aquino sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Aniya walang nakapasok sa low risk assessment ng DOH dahil kailangang ibalanse ang pagdeliver ng serbisyo ng DEPED at ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan pangunahin na ang mga mag-aaral.

Maaari namang isama ang isang bayan sa pilot testing ngunit kung humiling ang LGU at kung sa susunod na  batch na sila isali ay susundin ito ng DEPED.

--Ads--

Kada araw ng lunes ang isinasagawang assessment ng DOH sa sitwasyon ng isang rehiyon sa Covid 19 at ang mga naisasama ay ang mga lugar na nasa no at low risk na ang klasipikasyon.

Kapag low risk na ang isang bayan ngunit nakapaloob naman ito sa rehiyon na marami pa rin ang naitatalang kaso ay hindi pa rin ito mapapabilang.

Maaari ring ang mga napabilang ngayon sa listahan ay matatanggal o ititigil ang isasagawang pilot testing kapag tumaas ang kaso ng Covid 19 o naging high risk muli ang klasipikasyon.

Dahil mataas pa ang mga naitatalang bilang ng kaso sa mga lugar sa rehiyon dos ay walang naisama sa pilot testing ng face to face class ng kagawaran.

Ayon kay Ginoong Aquino limamput anim na paaralan ang kanilang inirekomenda at umaasa silang sa susunod na mga linggo ay mapapasama na ang ilan sa mga ito sa expansion sa initial na batch ng magsasagawa ng pilot face to face classes.

Iginiit niya na handa ang DEPED Region 2 sakali mang maaprubahan ang ilan sa kanilang mga inirekomendang eskwelahan at ang tanging problema ngayon ay ang pabago-bagong sitwasyon ng Covid 19.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Amir Aquino.