CAUAYAN CITY – Ipinasakamay sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang Philippine Serpent Eagle na nahuli ng isang magsasaka dito sa lunsod particular na sa Barangay San Antonio.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginoong Roberto Marquez, isang magsasaka na residente ng Purok 2 San Antonio Cauayan City na nakahuli sa naturang ibon, sinabi niya na alas otso ng umaga kahapon ng siya ay magtungo sa kanyang fishpond upang magpakain ng kanyang mga alagang isda at nakita niya ang ibon na nakasabit sa net na nakalagay sa palibot ng kanyang fishpond.
Agad naman niya itong hinuli at dinala sa kanilang bahay upang matiyak kung anong klase ng ibon ito.
May mga inilagay kasi siya mga net sa palibot ng kanyang fishpond bilang proteksyon sa mga isda upang hindi ito masalakay at matangay ng mga ibon.
Maaring ito umano ang nais puntahan ng Philippine Serpent Eagle kaya siya nasabit sa net.
Dinala nila ang ibon sa DENR at nakumpirmang isa itong Philippine Serpent Eagle ngunit pinauwi naman muna ng DENR ang ibon dahil wala pang mapaglagyan nito.
Ipinayo umanong alagaan muna nila ang ibon, palakasin saka ito palayain subalit mas minabuti na lamang nila itong ipasakamay sa Bombo Radyo Cauayan dahil may pangamba sila na hindi nila ito maalagaan at mamatay lamang sa kanilang poder.











