CAUAYAN CITY – Nadakip ang isang Barangay Kagawad sa Barangay Dibuluan sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Jones Police Station ang pinaghihinalaan ay si Barangay Kagawad Jonathan Balauag, apatnaput-dalawang taong gulang at residente ng San Vicente, Jones, Isabela.
Ang magkasanib na puwersa Jones Police Station Police Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at PDEA R2 ay nagsagawa ng anti-illegal drug buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng pinaghihinalaan.
Sinabi ni P/Staff Master Sgt. Juniel Maneja ng Jones Police Station na bitbit ang isang piraso ng sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakipagtransaksyon umano ang barangay kagawad sa isang Pulis na umaktong Buyer kapalit ng isang libong piso.
Nakumpiska rin ang dalawang sachet sa pag-iingat ng pinaghihinalaan at ang buybust money na ginamit sa operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Jonathan Balauag, sinabi nito na papunta umano siya sa isang Barangay upang bumili ng baboy na makakatay nang mapadaan siya sa lugar kung saan naganap ang transaksyon.
Pinara umano ng mga Pulis ang pinaghihinalaan kasama ang kanyang pamangkin na lulan ng Kulong-kulong at nagpatulong upang ayusin ang depektibong gulong ng kanilang sasakyan nang bigla na lamang siyang hinila at sinabihang aarestuhin dahil sa pagbebenta at paggamit nito ng droga.
Sinabi ng pinaghihinalaan na may laman na animnaput limang libong pisong cash ang kanyang pitaka na nawawala habang nagtataka siya dahil napunta umano ang kanyang pitaka sa belt bag ng kanyang pamangkin na sinabing naglalaman na ng dalawang sachet ng droga ang kanyang pitaka.
Ayon pa sa pinaghihinalaan kinuha ang belt bag ng kaniyang pamangkin at dinala sa mga pulis na lulan na kotse at nang dumating na ang mga testigo ay nasa 4,770 pesos na lamang ang laman ng kanyang pitaka na naibalik sa kanya.











