
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pasyente sa COVID-19 na naka-confine sa Cagayan Valley Medical Center ( CVMC) sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na ngayon ay 118 na lamang ang mga pasyente.
Ang mula sa Cagayan na dati ay 100 ang kaso o halos kalahati ng mga pasyente sa COVID-19 ngayon ay 75 na lang kaya halos 50% din ang pagbaba.
Sa Isabela ay 16 na lamang mula sa dating 50 hanggang 60 na pasyente kaya nakikita na ang epekto ng pagsunod ng mga residente sa mga health protocol at ang patuloy na pagbabakuna ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na posibleng simulan sa Nobyembre ang pagtuturok ng booster shot sa mga healthcare workers.
Nagpulong ang mga pinuno ng mga medical center sa buong Luzon sa pangunguna ni Undersecretary Myrna Cabotaje na in-charge sa vaccination program ng Department of Health (DOH).
Nabanggit niya na maaaring sa kalagitnaan ng Nobyembre 2021 ay magsisimula ang pagbibigay ng booster shots
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Dr. GlennMatthew Baggao.
Samantala, sinabi ni Dr. Baggao na magandang development ang pagbabakuna na sa mga kabataan na edad 12 hanggang 17.
Dahil matagal na silang hindi nakakalabas dahil sa mga COVID-19 restrictions ay masigla ang mga bata at kabataan na dinala kahapon sa CVMC.
Ito ay kaugnay ng paglulunsad ng pagbabakuna sa mga bata at prayoridad muna ang mga may comorbidities tulad ng may congenital heart disease, highblood, diabetes at mga obese.
Bukod aniya sa mga LGU hospital ay naatasan din ang CVMC, Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City , Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Bayombong, Nueva Vizcaya para magsagawa ng pagbabakuna sa mga bata at kabataan.
Ayon kay Dr. Baggao, sa general population ay nagsagawa rin sila ng walk-in vaccination para makatulong sila na mapabilis ang vaccination rollout.
Magtutuluy-tuloy ito depende sa supply ng bakuna na ibibigay ng DOH.




