CAUAYAN CITY – Pangkalahatang mapayapa ang paggunita ng Undas sa Isabela batay sa monitoring ng hanay ng Philippine National Police (PNP).
Pinaigting ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang police visibility ngayong panahon ng undas.
Nakaalerto ang mga pulis sa buong lalawigan na pinamumunuan ni PCol James Cipriano, Provincial Director ng IPPO bilang bahagi ng kanilang Oplan Kaluluwa para matiyak ang kaayusan sa paggunita ng undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan , sinabi ni PMaj Frances Littaua, Information Officer ng IPPO na lahat ng mga distrito sa Isabela ay may mga nakatalagang pulis sa mga sementeryo.
Hindi lamang mga sementeryo ang tinututukan ng mga pulis dahil nagkaroon din ng sariling deployment ang mga himpilan ng pulisya upang mamonitor ang mga matataong lugar tulad ng mga mall.
Ayon kay PMaj Littaua, sa mga nakalipas na paggunita ng undas ay may naitalang street crimes ngunit ngayong pandemya ay ikinatuwa ng IPPO na nalimitahan dahil sa limitadong paglabas ng mga tao.
Inihayag pa ni PMaj Littaua na may situation report ang mga himpilan ng pulisya upang mamonitor ang kalagayan ng kanilang nasasakupang lugar.
Samantala, naging mapayapa ang pagbabantay ng PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) Isabela sa paggunita ng Undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, ang Provincial Officer ng PNP-HPG Isabela, sinabi niya na sa kanilang pag-iikot sa mga sementeryo pangunahin ang mga malapit sa pambansang lansangan ay tahimik dahil sa pansamantalang pagsasara sa mga ito.
Ayon pa kay PMaj. Sales patuloy din ang kanilang istriktong pagmonitor sa mga kolorum na mga sasakyan maging ang pagbabantay sa posibleng kaso ng carnapping.
Naka full alert status ang PNP-HPG Isabela hanggang ika-4 ng Nobyembre kaugnay pag-uwi ng mga nagbakasyon na mamamayan.











