--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinamahagi na  ng pamahalaang lokal ng Baggao, Cagayan ang  mga abono maliban sa sampung sako na nasira na ang sako.

Inilipat sa ibang sako ngunit hindi na ipinamahagi ng LGU Baggao at  babayaran na lamang batay sa pangako ni Mayor Joan Dunuan.

Ang 100 na sako ng mga abono ay nakaimbak sa gymnasium ng Baggao noon pang nakaraang taon at nasira na ang sako ng 10 ay nagviral sa social media.

--Ads--

Ito ay ipinarating ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture region 2 na nagalit dahil ang report sa kanila ay naibigay sa mga magsasaka ang mga abono.

Sa pinakahuling  panayam ng Bombo Radyo Cauayan  kay Regional Director Edillo, sinabi niya nagbigay siya ng warning kay Mayor Dunuan sa kanilang pag-usap sa  cellphone  na kapag ganoon ang performance nila ay maaapektuhan ang kanilang mga susunod na alokasyon.

Ang rason umano nila ay ang mga ipinatupad na lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic dahil ang Baggao ay isa sa mga bayan sa Cagayan na mataas ang kaso ng virus.

Ayon kay Ginoong Edillo, sa naging panayam naman ng mga staff ng DA region 2 sa ilang magsasaka ay sinabi nila na dahil sa lockdown ay nakalimutan nilang balikan habang sinabi ng iba na walang abiso sa kanila.

Sinabi naman ng bagong Municipal Agriculture Officer (MAO) ng Baggao, Cagayan na hindi na niya napagtuunan ng pansin ang pamamahagi ng mga abono dahil marami umanong trabaho nang pamunuan ang tanggapan matapos magretiro ang kanilang MAO.

Gayunman, iginiit ni Ginoong Edillo na hindi ito rason dahil kailangang gawin ng MAO ang kanyang tungkulin na ipamahagi sa mga magsasaka ang alokasyon ng LGU sa mga abono.

Para sa rice program aniya ang pamamahagi ng abono na naglalayong mapataas ang ani ng mga magsasaka sa hybrid rice.

Ang mga abono na dinala sa Baggao, Cagayan ay inalis sa ibang bayan at dinala sa bayan na mas nangangailangan.

Napagbigyan ang kahilingan ng Baggao na mapagkalooban ng alokasyon dahil mayroon nang mga recipient at ipapamahagi ang mga abono ngunit natuklasan na hindi naibigay sa mga magsasaka.

Ang pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo.

Para hindi na maulit ang nasabing pangyayari, sinabi ni Regional Director Edillo na ang pamamahagi na ngayon ng abono ay hindi na  sa pamamagitan ng alokasyon na dinadala ng mga supplier sa bawat bayan.

Sa bagong scheme, ang magsasaka ay nabibigayn ng voucher at ito ang ipapakita sa supplier para kunin ang abono.

Ang supplier naman ay maniningil na lang sa Development Bank of the Philippines (DBP) kung saan nakadeposito ang pondo para sa abono.

Layunin nito na wala nang idedeliver sa mga bayan at maiimbak sa bodega ng LGU kundi direkta nang maibibigay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng voucher system.