CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 37,000 na edad 12 hanggang 17 ang nabakunahan sa ikalawang rehiyon mula nang simulan ito noong October 29, 2021.
Unang binakunahan ang mga kabataan na may comorbidities at inaasahang tataas pa ang nasabing bilang dahil binabakunahan na ang mga walang comorbidity.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Rio Magpantay ng Department of Health (DOH) region 2 na ang target na mabakunahan sa rehiyon na edad 12-17 ay mahigit 400,000.
Maganda aniya ang response ng mga magulang dahil walang gaanong adverse effect ang bakuna sa mga nasa nasabing mga edad maging sa ibang bansa na unang nagbakuna sa mga kabataan.
Hinikayat ang mga magulang ng mga nasa naturang edad na magpalista sa kanilang barangay o Rural Health Unit (RHU) para maitakda ang schedule ng kanilang pagpapabakuna.





