CAUAYAN CITY – Hiniling ng Public Order and Safety Division o POSD na huwag munang payagan ang pangangaroling ngayong pasko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na napakaaga pa lalo na at kasagsagan pa rin ng pandemya.
Aniya ipagbawal muna sana ang pagbabahay-bahay na pangangaroling dahil nagkakaroon ng face ta face interaction at maaaring ito na naman ang pagsimulan ng muling pagtaas ng kaso ng Covid 19.
Kailangang ipagbawal muna ang nasabing gawain kahit pa ito ay naging tradisyon na ng mga pilipino lalo na ngayon at gumaganda na ang pagbaba ng kaso ng Covid 19.
Maaari naman umanong personal nalang na magtungo sa mga kakilala upang doon nalang mangaroling at hindi na lahat ng madaanang bahay ay magsasagawa nito.
Maghihigpit ngayon ang pamunuan ng POSD batay na sa direktiba ng punong lunsod tungkol sa panghuhuli mga badjao na nagsusulputan tuwing pasko at kumakatok sa mga sasakyan sa kalsada.
Samantala handa naman ang POSD sakaling tanggalin na ng pamahalaan ang paggamit ng Faceshield ngunit ayon kay POSD Chief Mallillin hindi pa naaangkop o napapanahon ngayon ang pagtanggal sa paggamit ng Face shield sa Rehiyon Dos dahil nakasailalim pa rin sa Alert Level 3 o GCQ with Heightened Restrictions.
Aniya kung sa Metro Manila na nasa alert Level 2 na ay maaari nang tanggalin ito dahil nasa 70% na ang nabakunahan sa target na populasyon kumpara dito sa rehiyon na kakaunti pa lamang ang nabakunahan sa target populasyon.











