CAUAYAN CITY – Tinututukan ngayon ng Cauayan City Police Station ang posibleng paglaganap ng nakawan sa mga commercial building habang papalapit ang Holiday Season.
Magugunita na noong nakaraang mga buwan ay nakapagtala ang himpilan ng pulisya ng ilang insidente ng nakawan at pinasok ng mga magnanakaw ang isang pawnshop gayun din na nilooban ng grupo ng mga kabataan ang isang planta dito sa Lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na hindi nakakaalarma ang estado ng peace and order sa Lunsod .
Malaking tulong ang pinaigting na Police Visibility at patrolling na isinagawa ng kapulisan sa buong kalunsuran upang mapababa ang mga naipaparating na mga insidente ng pagnanakaw sa kanilang himpilan.
Ayon pa kay PLt. Topinio, nag-iikot sa Ibat ibang mga lugar partikular na sa mga commercial building ang kanilang tropa upang matiyak na walang mga hindi kanais nais na mga pangyayari.
Bukod sa pagpapatrolya ay patuloy din ang ginagawang information dissemination ng kanilang himpilan sa pamamagitan ng OPLAN Tambuli na nagbibigay paalala kaugnay sa mga nagaganap na nakawan.











