CAUAYAN CITY – Araw araw na nadadagdagan ang bilang ng taong nagnanais na makapasok sa border ng nasabing bansa mula sa bansang Belarus.
Ayon kay Bombo News Correspondent Remi Gumilan, dalawang linggo na ang nakalipas nang magsimulang magdagsaan ang mga iimigrants sa border at nais na makapasok sa Poland ngunit sila ay nahaharang dahil wala silang mga kaukulang dokumento para makapasok o makadaan lamang sa bansa patungo sa mga kalapit na bansa tulad ng Germany at Italy.
Aabot na sa mahigit apat na libong illegal immigrants ang nasa border ng bansa na nagpupumilit makapasok at nagdudulot ng tensyon.
Aniya magkakaiba ang nationality ng mga nasabing illegal immigrants dahil ang ilan sa mga ito ay mga afghan, Iraqi at Syrian Citizen.
Dahil sa pagdagsa ng maraming immigrants ay nagkakaroon ngayon ng tensyon sa border ng Poland at Belarus.
Ayon kay Bombo News Correspondent Gumilan, hindi basta pinapapasok ng pamahalaan ang mga immigrants sa border ng Poland dahil kapag sila ay nakapasok na ay madali na silang makakalusot sa mga border palabas ng bansa at patungo na sa mga kalapit na bansa tulad ng Italy at Germany.
Dahil sa pagpupumilit ng mga ito na makapasok sa border ay mayroon nang nasawi tulad ng isang nalunod dahil tinangkang languyin ang isang lake sa border ng bansa.
Samantala tiniyak naman ni Bombo News Correspondent Gumilan na walang pilipinong nadadamay sa kaguluhan na nangyayari sa bansang Poland ngunit sila ay kinakabahan dahil sa dami ng immigrants na nais pumasok sa bansa.











