--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim na ang lalawigan ng Isabela sa Alert Level 2 simula ngayong araw at magtatagal hanggang ikatatlumpu ng Nobyembre, 2021.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, ang Information Officer ng lalawigan ng Isabela, sinabi niya na batay sa resolusyon na inilabas ng IATF, papayagan na ang intrazonal at interzonal movement sa lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.

Maaari namang mag impose ang mga LGUs ng resonableng paghihigpit na hindi labag o hindi tataas sa restriksyon na ipinapatupad ng IATF.

Sa ilalim ng Alert Level 2 ay tanging sa mga ospital na lamang kailangang magsuot ng faceshield.

--Ads--

Ang mga establisimiento naman ay vaccination card na lamang ang titingnan upang payagang makapasok ang mga kostumer.

Pinapayagan na ring lumabas ang mga kabataang may edad 12 hanggang 18 anyos basta sila ay nakakumpleto na ng bakuna at kahit wala nang mas nakatatanda na kasama.

Ang mga hindi pa nakakumpleto ng bakuna ay kailangang may kasama silang magulang o mas nakatatanda na bakunado na kontra Covid 19.

Limampung bahagdan naman ang kapasidad ng pinapayagang makapasok sa mga venue at may bonus na 20% kapag malapit sa lugar na may vaccination coverage na 70% sa priority group A2 at A3.

May karagdagan ding sampung bahagdan kung mayroong safety seal certification ang establisimientong magsasagawa ng aktibidad.

Maglalabas ang pamahalaang panlalawigan ng executive order at ibibigay sa lahat ng establisimientong papayagan nang magbukas at ang mga mahuhuling lalabag sa mga ipapatupad na panuntunan ay mahaharap o mapapatawan ng penalty.

Ang bahagi ng pahayag ni Atty. Elizabeth Binag.