--Ads--

CAUAYAN CITY – Aabot sa 48 na sumukong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang mabibiyayaan sa proyektong pabahay na pinasinayaan kaninang umaga sa Minanga, San Mariano, Isabela.

Ang mga housing project sa ilalim ng Task Force Balik-Loob at Task Force ELCAC ay ipapatayo sa lote malapit sa Community Center ng barangay Minanga.

Ang ground breaking ceremony ay pinangunahan ng mga pinuno ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army, 95th Infantry Battalion (IB) at 96th IB at mga opisyal ng pamahalaang lokal ng San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni BGen Danilo Buenavidez, commanding officer ng 502nd Infantry Brigade na ito  ang unang pagkakataon na magbigay sila ng pabahay sa bayan ng San Mariano para sa mga dating rebelde.

--Ads--

Aabot sa 48 na dating rebelde  ang mabibiyaan ngunit inaasahang madadagdagan dahil sa patuloy na pagsuko ng mga kasapi ng NPA.

Tiniyak ni Brig Gen. Buenavidez na ligtas ang mga benepisaryo sa naturang lugar dahil  magtutulungan ang AFP at PNP sa pagbibigay ng securty assistance.

Samantala, umaasa si BGen Buenavidez na hindi bubuwagin ang NTF-ELCAC at patuloy na popondohan dahil malaki ang positibong epekto nito sa patuloy na paghina ng puwersa ng NPA bunsod ng pagsuko na ng maraming miyembro nito.