CAUAYAN CITY – Posibleng sa pagsisimula ng ikalawang semestre sa buwan ng Pebrero 2022 pa makapagpatupad ng face-to-face classes ang Isabela State University (ISU) System.
Ito ay dahil kailangan munang makatugon ang unibersidad sa mga requirements ng Inter-Agency Task Force (IATF) bago ipatupad ang face-to-face classes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, President ng ISU System na tatlong requirements ang dapat na tugunan ng ISU kabilang ang vaccination ng mga estudiyante, faculty at staff at ang retrofitting ng mga silid-aralan.
Kailangan din ang clearance mula sa mga pamahalaang lokal na kinaroroonan ng mga campuses ng ISU na pinapayagan na ang face-to-face classes.
Ayon kay Dr. Aquino, mayroon silang direktiba sa mga ISU Campus na tugunan ang mga requirements.
Inatasan sila ng Commission on Higher Education (CHED) na magsumite ng kahilingang magbukas na ng face-to-face classes.
Ang CHED ay magsasagawa ng evaluation at kung makakapasa sila mga itinakdang requirements ay papayagan na ang pagbabalik ng mga estudiyante sa ,ga classroom.
Ayon kay Dr. Aquino, ang balak nila sa ISU ay isagawa ito sa ikalawang semestre dahil ang unang semestre ay magtatapos na sa Enero 2022 at ang ikalawang semestre ay magsisimula sa Pebrero 2022.
Ayon sa CHED aniya ay 50% lang ng mga estudiyante ang puwedeng magsagawa ng face-to face-classes
Dahil dito ay puwede silang magtakda ng schedule at ang mga mag-aaral na hindi pa nabakunahan ay sa bahay mnla para sa online classes.
Sinabi ni Dr. Aquino na wala pa sa 50% ang mga nabakunahang estudiyante ng ISU kaya nakikipag-ugnayan sila sa mga pamahalaang lokal at Department of Health para sa vaccination.
Sa isinagawang vaccination sa ISU Echague campus ay kaunti ang mga dumating kaya nanawagan siya sa mga estudiyante ng ISU na pumunta sa mga vaccination sites ng kanilang mga LGU upang magpabakuna.
Umaasa sila na bago matapos ang taon ay marami nang estudiyante ang nakakumpleto na ng bakuna.






