CAUAYAN CITY – Nasa labing isang munisipalidad na sa lalawigan ng Isabela ay apektado ng rice black bug o itim na Atangya ayon sa DA Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Science Research Especialist Mindaflor Aquino ng Crop Pest Management Center ng DA Region 2 sinabi niya na nakitaan na ng mga pesteng Atangya ang mga sakahan sa labing isang bayan sa Isabela.
Ito ay kinabibilangan ng Burgos, San Guillermo, San Mateo, Cabanatuan, Roxas, Alicia, Aurora, San Manuel, Mallig, San Agustin at Cauayan City.
Ang ipinagpapasalamat ngayon ng Kagawaran ay nasa land preparation pa lamang ang mga magsaska para sa susunod na cropping season kaya hindi pa gaanong marami ang naapektuhan.
Ayon kay Aquino ang rice black bug ay isang insekto na plant sucker o naninipsip ng dagta ng pananim na palay na nagdudulot ng bug burn o mistulang nasusunog ang mga dahon at nagreresulta ng pagkamatay ng pananim.
Dahil sa pananalasa na naman ng nasabing peste ay bumuo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at DA Region 2 ng Provincial Inter-Agency Task Force para sa implementasyon ng mga aktibidad laban sa nasabing peste.
Ang task force na pamumunuan ni Governor Rodito T. Albano III ang mangunguna sa whole-of-government approach upang makontrol ang pagdami ng RBB at iba pang agricultural crop pests sa lalawigan.
Mayroon din itong kapangyarihan na makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor upang matulungan ang mga magsasaka sa magiging epekto ng RBB o itim na dangaw sa ilocano.
Ang grupo ay naatasan ding magplano at magpapalabas ng mga protocols sa mabisang paraan upang masugpo ang RBB na naobserbahan na sa labing-isang bayan ng Isabela.
Maliban sa Isabela ay mayroon na ring dalawang bayan sa Lalawigan ng Quirino ang infested na ng nasabing peste pangunahin na ang Diffun at Cabarroguis at maging ang bayan ng Solano, Nueva Vizcaya ay may naitala na ring pamiminsala ng RBB.
Patuloy ang information dissemination ng DA Region 2 at umaasa sila na susundin ng mga magsasaka ang kanilang mga rekomendasyon upang masugpo ang nasabing peste sa sakahan.











