--Ads--

CAUAYAN CITY – Dapat manindigan at maging consistent si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang political leaders sa paggiit sa pagmamay-ari ng bansa sa West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, ang dating presidente ng Integrated Bar of the Philipines o IBP kasunod ng pagbanat ni Pangulong Duterte sa ginawang pagbomba ng tubig ng China sa dalawang bangka ng Pilipinas na magdadala ng supply sa mga sundalong Pilipino na nasa Ayungin Shoal.

Aniya kahit nakikipagkaibigan at nais ng Pilipinas ang tulong ng China ay kailangang manatili ang prinsipyo at may mga bagay na hindi agad agad isinusuko.

Maaring huli na rin ang lahat para sa pangulo ang pahayag nito dahil patapos na ang kanyang termino.

--Ads--

Dahil napansin na ng China na hindi masyado ang agresibong galaw ni pangulong Duterte tungkol sa nasabing isyu ay gumagawa na sila ng hakbang upang tuluyan nang maangkin ang teritoryo.

Dahil sa hindi agresibong pag angkin ng Pilipinas sa teritoryo kahit nanalo na sa International Tribunal ay malamya rin ang tulong na natatanggap mula sa ibang karatig na bansang may interes din sa lugar.

Nanawagan si Atty. Cayosa sa pamahalaan na pumasok ang Pilipinas sa isang multilateral agreement sa mga kalapit bansa na may interes din sa lugar.

Kailangang manindigan na ang Pangulo at huwag magpabago bago ng pahayag at ipagpatuloy ang pag alma sa ginagawang panggigipit ng China upang magdahan dahan sa pag angkin nito sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.