--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang welder sa Malvar, Santiago City matapos na mahulog sa kanal na may lalim na apat na metro.

Kinilala ang biktima na si Charlie Magne Mariano, 43 anyos may asawa, welder at residente rin sa naturang barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Presinto 1 ng Santiago City Police Office (SCPO), nakatanggap ng tawag ang himpilan mula kay Barangay Kapitan Manuel Sonny Santiago ng Malvar, Santiago City kaugnay ng pagkakatagpo sa katawan ng lalaki sa isang kanal.

Nagtungo ang ilang pulis sa lugar kasama ang Santiago City   Forensic  Unit  at  Santiago City Rescue at sinuri ang katawan ng welder ngunit hindi na responsive kaya idineklarang patay na.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon, bago natagpuan ang bangkay ni Mariano ay may nakakita sa kanya na pasuray-suray sa paglalakad at hinihinalang nakainom ng alak.

Nahulog sa kanal ang lalaki at nagtamo ng malubhang sugat sa kanyang noo.

Nang iahon siya sa kanal ng mga concerned citizen ay napansin nila ang pagdaloy ng dugo na mula sa kanyang ulo.

Posible umanong tumama sa bato ang lalaki nang mahulog sa kanal.

Nakatakdang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Mariano batay sa kahilingan ng kanyang pamilya.