CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ang tsuper ng Honda CRV na nakabangga at tinakbuhan ang isang motorsiklo na nagbunga ng pagkasawi ng dalawang B.S. Criminology student sa kahabaan ng national highway sa Poblacion Sur, Maddela, Quirino.
Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang aksidenteng sangkot ang isang pulang Honda CRV na may plate number na 714399 at pinaghahanap ang tsuper
Isang Yamaha MIO ang sinakyan ng mga biktima na sina Melvin Andaya, nasa wastong gulang at Renz Mangayao, 29 anyos, kapwa criminology student at residente ng Dumabato, Maddela, Quirino.
Batay sa pagsisiyasat ni PCpl. Rolan Cawagas ng Maddela Police Station, parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan at patungo sa Nagtipunan, Quirino ang SUV habang patungo sa Aglipay, Quirino ang motorsiklo.
Umagaw umano ng linya ang Honda CRV kaya nasalubong at nabangga ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang 2 estudiyante matapos tumilapon sa daan.
Dinala ng mga kawani ng Rescue 104 sa Maddela District Hospital ang dalawa subalit idineklarang dead on arrival si Andaya.
Inilipat naman sa isang pribadong pagamutan sa Santiago City si Mangayao ngunit binawian din ng buhay.
Nasa kustodiya na ng Maddela Police Station ang sasakyang inabandona ng suspek na pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Humihingi ng hustisya ang pamilya nina Mangayao at Andaya sa nangyari sa kanila.






