
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng National Meat Inspection Service (NMIS) region 2 na regular ang pag-iikot sa mga pamilihan upang imonitor ang kalidad at presyo ng mga ibinebentang karne.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Lily Fermin ng NMIS region 2, sinabi niya na bagamat may pandemiya ay patuloy ang kanilang monitoring at pagpapatupad ng mga standards may kaugnayan sa meat handling.
Aniya, madalas ngayong holiday season ang pagpapalusot sa mga mishandled meat sa mga palengke kaya pinapayuhan niya ang mga mamimili na gamitin ang pang-amoy, paningin at pandama upang matiyak na sariwa ang mga binibiling karne.
Dapat ding suriin ang kulay ng karne dahil kung mayroon nang kulay berde ay sira na at dapat huwag nang kainin ng tao.
Dapat aniyang tandaan ng mga mamimili na ang bacteria lamang sa karne ang namamatay kapag niluluto at hindi ang toxin na inilalabas ng karne kapag ito ay sira na.
Ayon kay Dr. Fermin, mahigpit na ipinagbabawal ng NMIS ang pagbebenta ng mga mishandled meat at mga karneng walang meat certificate sa loob at labas ng mga pamilihan.
Pinag-iingat ng NMIS ang mga mamimili sa mga meat vendors na kumpleto ang dokumento ngunit nailulusot na naibebenta ang bilasa nang karne.
Inamin ni Dr. Fermin na hindi pa sapat ang kanilang mga tauhan para mag-ikot sa bawat pamilihan kaya nakikipag-unayan sila sa mga pamahalaang lokal upang makapagsagawa ng inspeksiyon.
Wala pang namomonitor ang NMIS na pagggalaw sa presyo ng karne sa mga pamilihan sa rehiyon at nanatili sa presyo nito sa mga nakaraang buwan.
Gayunman, handa ang NMIS na makipag-ugnayan sa mga Local Price Coordinating Council upang agad na matugunan sakaling magkaroon ng biglaang pagtaas ng presyo upang matiyak na walang meat vendor ang magsasamantala.










