CAUAYAN CITY – Naging batayan ang mga nagawang accomplishment sa serbisyo sa pagpili ng Ten Outstanding Association of Police Officers via Lateral Entry.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Lieutenant Colonel Andree Abella, dating tagapagsalita ng PRO2 ang lubos nitong pasasalamat sa mga kalalakihan at kababaihan ng Police Regional Office 2 na naging instrumento sa pagkakamit niya ng Number 2 Outstanding Association of Police Officers via Lateral Entry o APOLE na isang prestihiyosong parangal.
Ayon kay PLt. Col Abella ang akala niya ay walang ranking sa nasabing parangal at sampo lang talaga silang mapaparangalan ngunit nagulat siya dahil mula sa sampo ay siya ang number 2 awardee sa Ten Outstanding APOLE members in the Philippines.
Ang parangal ay tinanggap ng mga awardees sa ginanap na 18th APOLE National Convention and 8th Lateral Entry Day na may temang, “Patuloy ang Pagseserbisyo, Pagkakaisa at Pagtutulungan sa gitna ng Pandemya” sa PNP National Headquarters, Camp Rafael Crame, Quezon City.
Ang Plaque of Recognition ay personal na iniabot sa mga awardees ni Police General Dionardo Carlos, Hepe ng Philippine National Police.
Kabilang anya sa mga naging batayan ng natanggap na parangal ni PLt. Col. Abella ay ang kanyang naging accomplishments mula noong nagsimula sa serbisyo.
Kabilang anya sa mga kapansin-pansing nagawa ng awardee ay ang pagtatatag ng kindergarten sa Quirino Police Provincial Office; paglikha ng mini library kung saan ang mga manwal, direktiba at issuance sa Tanggapan ng Regional Staff; pagsasagawa ng relief operations sa mga apektadong pamilya ng Bagyong Ulysses; pagpapakilala ng “facebook live reporting para sa mas mabilis na pagpapalaganap ng mga aktibidad ng PNP; pagtatatag ng PRO2 News Blast gayundin ang radio at tv broadcasting sa PRO2.
Pinayuhan din niya ang mga batang opisyal sa serbisyo na gawin lamang ang kanilang mga tungkulin at maging serbisyo sa komunidad dahil marami din sa kanila ang karapat dapat na tumanggap ng parangal.











