
CAUAYAN CITY – Determinado ang isang ginang na magsampa ng kaso laban sa tsuper ng motorsiklo na bumangga sa minamanehong motorsiklo ng kanyang asawa na nagbunga ng kanyang pagkamatay.
Nakaburol na sa kanilang bahay sa Zone 2, San Mariano, Isabela ang nasawi na si Robertson Daquioag.
Nangyari ang banggaan noong Miyerkoles sa Binatug, San Mariano, Isabela.
Nasugatan ngunit ligtas na sa ospital ang dalawang sakay ng motorsiklo na sina Jaylord Alera, 19 anyos, residente ng Palanan, Isabela at angkas na si Jorlie Agustin, 72 anyos at residente ng Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Edgar Manuel Jr., hepe ng San Mariano Police Station, sinabi niya na nakainom ng alak ag dalawang sakay ng motorsiklo at mabilis ang takbo ng sinasakyan nilang motorsiklo.
Umagaw ng linya ang motorsiklo na minamaneho ni Alera kaya nasalpok ang kasalubong na motorsiklo.
Nagtamo ng malalang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ni Daquiaog matapos siyang tumilapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mary Jane Daquioag, sinabi niya na nabali ang buto sa panga ng kanyang asawa at lumabas ang dugo sa kanyang tainga.
Nakausap pa niya ang asawa bago binawian ng buhay.










