--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakasamsam ng mga matataas na kalibre baril ang mga sundalo matapos maganap ang engkwentro sa pagitan ng  50th Infantry Battalion at new Peoples Army sa barangay Mabaka Balbalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya noong ikalabing dalawa ng Disyembre ay tumagal ng limang minuto  ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng pamahalan at rebeldeng grupo na nag resulta sa pagkakarekober ng tatlong matataas na kalibre ng baril kabilang ang dalawang M16 rifle at isang Baby Armalite.

Narekober din ng militar ang ilang pampasabog o Improvised Explosive device na nakasilid sa isang backpack, ilang subersibong dokumento kasama rin ang ilang personal na kagamitan ng mga rebelde.

Aniya bagamat may ilang  narekober na kagamitan ng mga NPA ay nasugatan ang isang sundalo na kasalukuyang nasa pagamutan at nagpapagaling.

--Ads--

Ang naturang engkwentro ay resulta ng pagbibigay impormasiyon ng mga residente ng barangay Mabaka, Balbalan kung saan ipinaalam nila sa mga kasapi ng 50th IB na nagsasagawa ng community support program o CSP ang kinaroroonan ng mga rebeldeng NPA sa kanilang Lugar.

Dahil hindi inaasahan ng NPA ang naturang engkwentro ay agad na tumakbo o tumakas ang mga rebelde sa ibat ibang direksiyon.

Sa pagtaya ng Militar, malapit na nilang masugpo ang Kilusang Larangan Guirilla ng Baggas sa ilalim Cordillera Committee dahil nakapag-deklara na ang Balbalan NTF ELCAC ng walong barangay na malaya na mula sa impluwensiya ng komunistang grupo.

Tuloy tuloy na  ang community support program ng militar sa mga nalalabi pang barangay kabilang na ang barangay Mabaka, Poswoy at Gawa-an kung saan inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa isasagawang evaluation ng Area Clearing Evaluation team na binubuo ng 503rd Brigade at LGU Balbalan, Kalinga.