
CAUAYAN CITY – Walang anumang illegal na paputok ang nasamsam ng mga kasapi ng BFP at SCPO sa kanilang pag-iikot sa firecraker zone na matatagpuan sa harapan Intergrated Transport Terminal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Reynaldo Dela Cruz, City Director ng Santiago City Police Office na kasama nila ang BFP Santiago City na nag-ikot sa Firecracker Zone upang matiyak na walang magbebenta ng mga illegal na paputok.
Mismong ang mga kasapi ng BFP ang nagbabantay dahil kapag nagkakaroon ng sunog ay sila ang unang tumutugon upang apulain ang apoy.
Wala namang illegal na paputok ang kanilang nasamsam sa firecrackers zone.
Ang mga ipinagbabawal na paputok ay kinabibilangan ng Piccolo, Sawa, Five Star, Watusi, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Large Judas Belt, Super Lolo, Lolo Thunder, Atomic Bomb, Atomic Bomb Triangulo, Pillbox, Boga, Kwiton, Goodbye Earth, Goodbye Bading, Hello Columbia at Goodbye Philippines.
Nakiusap ang pamunuan ng SCPO sa mga vendors na iwasang magbenta ng mga illegal na paputok upang hindi masamsam ang kanilang mga paninda at hindi sila masampahan ng kaukulang kaso.
May mga bumibili rin ng mga paputok ngunit kapansin pansin na parang hindi nabawasan ang kanilang mga paninda.
Ayon naman sa mga nagtitinda hindi pa ito ang panahon na mabibili ang kanilang mga paninda at maaaring bibili ang mga mamamayan bago ang araw ng pagsalubong ng bagong taon.
Ayon naman sa SCPO traffic Enforcement Unit na nakakapagtala din sila ng mga aksidente ngunit wala namang nasaktan.










