
CAUAYAN CITY – Nasa sampung libong pisong halaga ng iligal na paputok ang nakumpiska ng BFP Cauayan City sa Designated Fire Cracker Zone kasabay ng pagsalubong ng bagong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Dennis John Duendo ang tagapagsalita ng BFP Cauayan City sinabi niya na bilang paghahanda sa ligtas pagsalubong ng bagong taon sa Lunsod ay inilunsad nila ang surprise inspection sa mga fire cracker vendors sa fire cracker zone at nakumpiska nila ang ilang ipinagbabawal na paputok tulad ng five star at judas belt o sinturon ni hudas na nagkakahalaga ng humigit kumulang sampung libong piso.
Ayon kay FO1 Duendo titiyakin ng BFP Cauayan City na hindi na mabibigyan ng permit at pahintulot na magbenta ng paputok ang mga fire cracker vendor na nasamsaman ng mga iligal na patuok ngayong taon.
Samantala naitala rin ng BFP ang Zero Fire incident sa pagtatapos ng taong 2021 at pagsalubong sa taong 2022.
Aniya, ang pagkatala ng zero fire incident sa Lunsod ay bunga ng masigasig na pagpapaalala ng BFP Cauayan City sa mga residente sa mga paraan upang makaiwas sa sunog maging ang pakikipagtulungan ng mga residente para sa ligtas na pagsalubong sa taong 2022.
Nangangahulugan itong naging sapat at epektibo ang kanilang paghahanda para sa pagsalubong sa bagong taon kung saan naging prayoridad nila para sa ligtas na pagsalubong ng bagong taon ang Poblacion maging ang forest region.










