
CAUAYAN CITY – Hindi pa natatagpuan ang batang lalaki na naiulat na nawawala sa bayan ng Pogonsino, Bagabag, Nueva Vzcaya higit isang linggo na nakalipas.
Matatandaang nakatanggap ng ulat ang Bagabag Police Station tungkol sa pagkawala ng bata na si Luke Mark Abad, 2 anyos at residente ng nasabing lugar.
Batay sa mga magulang ng bata, ilang minuto lamang bago malamang nawawala ang bata ay nakita pa nila ito sa labas ng kanilang bahay na naglalaro.
Hindi umano namalayan ng mga magulang ng bata ang pagkawala ng kanilang anak dahil abala sila noon sa mga gawaing bahay.
Ayon sa pulisya, dahil sa lokasyon ng bahay ng biktima ay may hinala ang mga pulis na maaring nahulog sa irrigation canal ang bata lalo na at walang pagitan ang kanilang bahay sa nasabing daluyan ng tubig.
Ikinukonsidera rin na maaring may kumuha sa bata o posibleng dinukot ito.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa NIA-MARIIS para makita ang katawan ng bata.
Bukod dito ay ginagamit na rin nila ang social media para mahanap ito sa pamamagitan ng pagpost ng mga larawan nito.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga magulang ng bata na siya ay matagpuan.










