--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang isang Political Analyst na hindi No Election scenario ang rason ng paghahain ng PDP Laban Cusi Faction ng petisyong muling buksan ang paghahain ng certificate of candidacy o COC.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Coronacion, Political Analyst at Presidente ng Philippine Political Science Association, sinabi niya na ang pinakamalaking rason kung bakit nais ng PDP Laban na magbukas muli ang filing ng Certificate of Candidacy sa Comelec ay dahil wala silang standard bearer.

Aniya ang PDP Laban ay isang ruling party kaya kailangang mayroon silang standard bearer sa halalan.

Malaking lamat ito sa pamunuan ng partido dahil maaaring may nangyayaring hindi pagkakaunawaan sa loob ng partido.

--Ads--

Dahil dito ay maaaring nais nilang magbukas muli ang COC Filing upang makapagfile ng kandidatura ang napili nilang standard bearer.

Naiintindihan naman niya ang punto ng mga senador pangunahin na nina Sen. Tito Sotto at Ping Lacson na tumatakbo bilang pangulo at pangalawan pangulo na ayaw nilang magkaroon ng No Election Scenario dahil isa itong paglabag sa saligang batas.

Umaasa naman si Ginoong Coronacion na hindi papayagan ito ng Comelec dahil nakasaad sa batas ang petsa ng filing of candidacy ng mga kandidato sa halalan at maapektuhan ang demokrasyang sistema ng bansa kung mabibigyan ng pagkakataon ang isang partikular na grupo na magfile ng COC kahit matagal nang natapos ang itinakdang petsa lalo pa at nabigyan pa sila ng tiyansa sa pinalawig na deadline ng substitution.

Aniya sapat na panahon na ito para makapili ang PDP Laban Cusi Faction kung sino ang kanilang standard bearer.

Negatibo ang epekto nito sa Electoral Process kapag napahintulutan silang magfile ng COC sa Comelec dahil maaring gayahin din ito sa susunod na election.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Dennis Coronacion.