--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa kategoryang ‘high epidemic risk’ ang Tuguegarao City at Santiago City sa pinakahuling talaan ng Department of Health Cagayan Valley Center for Health and Development .

Ito ay matapos makapagtala ang dalawang lungsod ng mataas na Two-Week Growth Rate at Average Daily Attack Rate (ADAR) sa nakalipas na dalawang linggo.

Ang Tuguegarao City ay nakapagtala ng 444.44% growth rate habang 214.29% growth rate naman ang Santiago City.

Batay sa assessment ng DOH Region 2, nasa Alert Level 3 na ang Tuguegarao City at Santiago City habang ang nalalabing bahagi ng Rehiyon ay nasa Alert Level 2 pa rin.

--Ads--

Nilinaw ng DOH region 2 na ang Alert Level status ay batay lamang sa assessment ng Kagawaran at hindi idineklara ng IATF.

Nananatili naman na nasa Alert Level 2 ang buong Rehiyon Dos.

SAMANTALA Nadagdagan ng siyamnaput lima ang bagong kaso ng COVID-19 ang rehiyon kaya pumalo na sa 214 ang bilang ng aktibong kaso batay sa pinakahuling talaan ng DOH Region 2 noong ikaapat ng Enero.

Tatlong indibidwal din ang naitalang namatay dahil sa COVID-19.

Magugunitang batay sa talaan ng DOH Region 2 noong ikatatlo ng Enero ay mayroong 127 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Kapansin pansin din na tumaas ang bilang ng kaso sa lahat ng lalawigan kabilang ang mga lungsod.

Nangunguna sa may pinakamataas na aktibong kaso ang Cagayan na may 126,  sumunod ang Isabela na may 57, Tuguegarao City na may 52, Santiago City na 22, Ilagan City at Cauayan City na may  tiglilima, Quirino province na may apat na aktibon kaso  at  Nueva Vizcaya na may  tatlo .

Ang Lalawigan ng Batanes na COVID-free sa nakalipas na dalawang araw ay muling nakapagtala ng dalawang bagong kaso.

Sa kabuoan, nakapagtala na ng 137,303 na kumpirmadong kaso sa Rehiyon dos  kung saan 131, 980 rito ay naka-rekober na at 5,031 naman ang namatay.

Pinaalalahanan ang publiko na manatiling sumunod sa mga minimum health protocols at magpabakuna na kung hindi pa bakunado.