CAUAYAN CITY– Niluwagan na ng NFA region 2 ang mga requirement para sa pagbebenta ng palay ng mga magsasaka sa kanilang tanggapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Rhic Ryan Lhee Fabian, Information Officer ng NFA region 2 na ang dating tatlong signatories sa farmers passbook na binubuo ng Punong-Barangay , Municipal Agriculture Officer at NFA technician ay maari nang kahit isa nalang mula sa tatlong signatories ang pumirma na kailangan upang makapagbenta sila ng palay sa mga bodega ng NFA.
Upang makakuha ng farmers passbook kailangang kumuha ng application form at ipapasa sa pinakamalapit na bodega ng NFA region 2 at maghihintay ng dalawang araw upang makakuha ng kanilang farmers passbook.
Para sa mga magsasakang unang beses na magbebenta ng palay sa NFA ay kailangan lamang na magdala ng sample ng palay na susuriin ng kanilang classifier upang mapresyuhan.
Naka depende naman sa area ng sinasaka ng magsasaka kung ilang bags ng palay ang maaaring ibenta o tanggapin ng NFA subalit sa 7 hectares 700 bags lamang ang maximum capacity na ibebenta ng bawat magsasaka.
Nanatili naman sa 19 pesos bawat kilo ang presyo ng NFA habang ang presyo ng sariwa ay nakadepende sa moisture content ng palay.