
CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinara ng tatlong araw ang Provincial Capitol ng Nueva Vizcaya dahil sa pagpositibo sa CIVID-19 ng maraming kawani ng pamahalaang panlalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya na nilagdaan niya ang direktiba para sa temporary closure ng panlalawigang kapitolyo simula kahapon January 12, 2022 hanggang bukas, January 14, 2022.
Ayon kay Gov. Padilla, ang hakbang ay rekomendasyon ng Provincial Inter-Agency Task Force dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Noong January 7, 2022 nagsimulang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa Nueva Vizcaya na may 288 active at kahapon lamang ay naitala ang karagdagang 148 na kaso .
Ayon pa sa gobernador, nasa 13 tanggapan sa panlalawigang kapitolyo ang naapektuhan ng COVID-19 at sa accounting department pa lamang ay nasa 13 na kawani ang tinamaan ng sakit.
Isinagawa ang malawakang pagsusuri sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan para matukoy ang mga tinamaan ng virus at makapag-isolate upang hindi na makahawa.
Isinagawa na rin ang malawakang disinfection sa mga tanggapan ng panlalawigang kapitolyo .




