--Ads--

CAUAYAN CITY – Magpapatupad ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng mga hakbang kaugnay ng pagsailalim sa Isabela sa alert level 3 simula bukas, January 14, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na titingnan niya ang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF)  para makapagpalabas sila ng executive order na naaayon dito.

Sinabi ng punong lalawigan na noon pang Lunes ay inatasan na niya si Provincial Administrator Noel Manuel Lopez na paghandaan ang pandemya at mag-imbak ng mga  gamot at alertuhin ang mga ospital kung magkakaroon ng surge o labis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Kinumpirma ni Gov. Albano na maging siya ay tinamaan ng COVID-19 at hindi batid kung Omicron variant ang tumama sa kanya.

--Ads--

Sinabi ng gobernador na siya ay nasa Metro Manila ngayon at asymptomatic siya mula nang tamaan ng sakit noong nakaraang Linggo.

Noong nakaraang Biyernes ay sumailalim siya sa swab test  sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC)  sa Tuguegarao City matapos makasalamuha ang mekaniko ng chopper.

Saka lamang niya nalaman na positibo siya sa COVID-19 noong nasa Metro Manila na siya.

Sasailalim ulit siya sa swab test bukas, araw ng Biyernes, January 14, 2022.

Nilinaw ni Gov. Albano na kahit nasa alert level 3 ang Isabela ay hindi ipagbabawal ang pag-uwi ng mga Isabelenio na magmumula sa  ibang lugar.

Hindi naman aniya mataas ang death rate ng lalawigan dahil mabilis  ang paggaling ng mga tinamaan ng COVID-19.

Tiniyak ni Gov. Albano na handa pa rin ang mga LGU’s sa kanilang mga quarantine facilities.

Muling nanawagan si Gov. Albano sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na.

Ang pahayag ni Governor Rodito Albano.