
CAUAYAN CITY – Tuluy na tuloy ang muling pagsasagawa sa ika-30 ng Enero 2022 ng Licensure Examination for Teachers (LET) sa dalawang paaralan sa Lunsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng Department of Education (Dep-Ed) Cauayan City na isasagawa ang pagsusulit sa Cauayan City National School main campus at Cauayan North Central School.
Nakikipag-ugnayan na sila sa local communty para maipaabot sa kanila ang muling pangangasiwa ng LET na lalahukan ng 1,500 na let-takers.
Mas mataas ito kung ihahambing sa naunang pagsusulit na isinagawa sa Lunsod ng Cauayan noong nakaraang taon.
Dahil itinaas sa level 3 ang status sa Lunsod ng Cauayan ay makikipag-ugnayan ang Dep-Ed Cauayan City sa mga line agencies pangunahin sa pamahalaang lunsod, Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP) para maipatupad ang mga protocol sa pagsasagawa ng LET para sa kaligtasan ng mga kukuha ng pagsusulit.
Ayon kay Dr. Gumaru, mananatili ang mga guidelines na una nilang ipinatupad batay sa pakikipag-ugnayan nila sa Professional Regulation Commission (PRC).
Kabilang dito ang paglalagay sa isolation room sa mga magpopositibo sa antigen test ngunit hindi pa rin sila papayagang kumuha ng exam kundi ipapabatid sa kanilang pamahalaang lokal para sila maipasakamay.
Pinayuhan ni Dr. Gumaru ang mga guro na magsisilbing proctor at mga examinees na huwag nang lumabas sa bahay isang linggo bago ang pagsusulit para matiyak na hindi mahawaan ng virus.










