
CAUAYAN CITY– Dismayado ang mga tagasuporta ni dating 4th district Congressman Giorgidi Aggabao matapos na hindi katigan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang Motion for Reconsideration sa desisyon na invalid ang substitution niya kay dating Mayor Amelita Navarro.
Matatandaang iniurong ni Navarro ang kanyang pagtakbo sa pagka-mayor para bigyang-daan ang pagpalit sa kanya ni Aggabao.
Gayunman, lumabas na naging independent candidate si Navarro dahil sa over nomination ng partidong Reporma na kanyang kinabibilangan.
Isa sa mga puntos na inilatag ng dating congressman ang iisang Certificate of Nomination na ipinalabas ng nasabing partido na pinatunayan ng sertipikasyon na nilagdaan ni Senador Panfilo Lacson na chairperson ng partido.
Nagpahayag si dating Congressman Aggabao ng kalungkutan sa pagbasura ng Comelec sa kaniyang Motion for Reconsideration dahil iginiit na dalawa ang kandidato ng Partido Reporma dahil sa COC sa pagka-mayor na inihain ni Christian Ayson.
Gayunman ay nagpasalamat pa rin si Atty. Aggabao sa kaniyang mga tagasuporta at naniniwalang may dahilan ang lahat kaya payo niya sa mga boboto sa darating na halalan na maging matalino sa pagboto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jeneline Gapasin, tagasuporta ng dating congressman, sinabi niya na nadismaya siya at ang kanyang mga kabarangay sa hindi pagkakabilang ni Atty. Aggabao sa listahan ng mga kakandidato sa pagkamayor ng Lunsod ng Santiago sa darating na halalan.
Naniniwala siya na paraan ito ng oposisyon para maalis sa listahan ang dating kongresista.










