
CAUAYAN CITY – Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) isabela ng dalawang linggong academic health break para may pagkakataon na makapagpahinga ang mga guro at mag-aaral.
Nakapaloob ito sa memorandum number 2 ng DepEd Isabela batay sa national memoradum ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na pagbibigay ng academic health break na hindi bababa ng dalawang linggo sa mga guro at mag-aaral.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Madelyn Macalling, Schools Division Superintendent ng DepEd Isabela na ang kanilang hakbang ay dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 at maraming guro ang nasa home quarantine.
Umaabot aniya sa 600 na guro at learners ang nasa home quarantine at halos 60 ang nagpositibong personnel kaya kinonsulta nila si Regional Director Dr. Benjamin Paragas at Asst. Regional Director Jessy Amin kung puwedeng ipatupad ang memorandum mula sa central office.
Pinayuhan sila na makipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan kaya nakipag-ugnayan sila kay Governor Rodito Albano sa pamamagitan ni Provincial Administrator Noel Manuel Lopez.
Ayon kay Dr. Macalling, sinuportahan ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapatupad ng academic health break para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Nagpaplano sila ngayon kung paano mapunan ang dalawang linggong academic health break sa January 17-28, 2022.
Mahalaga aniya na makapagahinga ang mga guro lalo na at may ilang principal ang humihiling ng pahintulot na isailalim sa lockdown ang kanilang paaralan dahil may nagpositibong guro at learner.
Pinayuhan ni Dr. Macalling ang mga guro na gamitin ang dalawang linggong health break na manatili lang sa kanilang bahay para makapagpahinga.




