
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2 na walang magbabago sa mga panuntunan sa mga pampublikong sasakyan sa Lambak ng Cagayan maliban sa No Vaccination, No Ride Policy na ipapatupad sa lunes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB region 2, sinabi niya na hindi maaapektuhan ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa kabila ng pagtaas ng allert level status sa ilang lalawigan ar lunsod sa ikalawang rehiyon.
Aniya, mahigpit ang pagpapatupad ng mga panuntunan pangunahin na ang 7 commandments sa bawat Public Utility Vehicle (PUV) para maiwasan ang hawaan sa mga pampublikong sasakyan.
Kaugnay nito ay mahigpit na ipapatupad ang No Vaccination, No Ride Policy ng Department of Transportation (DOTR).
Ilang pamahalaang lokal ang nagbigay ng suporta sa nasabing direktiba pangunahin na sa mga biyahero palabas ng ikalawang rehiyon.
Layunin ng polisiyang ito na matiyak na ligtas at protektado ang mga mananakay gayundin ang mga tsuper at konduktor ng mga pampublikong sasakyan.




