CAUAYAN CITY – Natagpuang palutang-lutang sa Cagayan River sa San Manuel, Naguilian, Isabela ang dalagang nawawala sa Cauayan City.
Matapos ang 24 oras na walang kumuha sa bangkay ng dalaga ay inilibing ng Naguilian Police Station.
Ang dalagang nawawala mula noong January 9, 2022 ay ipananawagan sa Bombo Radyo Cauayan ng kanyang ina at nai-post ito sa Facebook page ng station.
Ang biktima ay si Florence ‘Enchang’ Andres, 23 anyos, may epilepsy at residente ng Alicaocao, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Merwin Villanueva, hepe ng Naguilian Police Station na noong January 10, 2022 ay may isang concerned citizen ang tumawag sa kanilang himpilan at ipinabatid ang pagkakatagpo sa bangkay na palutang-lutang sa ilog na nasasakupan ng barangay San Manuel.
Sa kanilang pagtugon ay nakita ang bangkay ng babae na lumobo na dahil sa pagkababad sa tubig.
Nasa stage of decomposition na ang bangkay kaya dinala sa isang punerarya.
Nagpadala sila ng flash alarm sa iba’t ibang himpilan ng pulisya tungkol sa pagkakatagpo sa bangkay ng dalaga.
Nasawi ang babae dahil sa pagkalunod batay sa isinagawang post mortem examination ng Municipal Health Officer (MHO).
Dahil umabot sa 24 oras na wala pang kumukuha sa bangkay ng dalaga ay inilibing na nila sa tulong ng pamahalaang lokal.
Kinunan ng mga larawan at dokumentasyon ang libing ng biktima upang may maipakita kapag may maghanap na kamag-anak.
Ayon kay PMaj Villanueva, nabasa ng isa niyang tauhan ang FB post ng Bombo Radyo Cauayan tungkol sa panawagan ng ina ng dalaga na katulad sa description ng inilibing nilang bangkay
Dahil dito tinawagan nila ang pamilya ng biktima at pumunta kinabukasan sa kanilang himpilan ang isang kapamilya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Anita Andres, residente ng Alicaocao, Cauayan City na masakit sa kanya ang nangyari sa anak ngunit kailangan niyang tanggapin.
Nagpapasalamat siya na sa pamamagitan ng panawagan niya sa Bombo Radyo Cauayan ay nalaman nila ang nangyari sa nawawalang anak.
Ayon kay Ginang Andres, malaki rin ang kanyang pasasalamat dahil binigyan ng Naguilian Police Station ng maayos na libing ang kanyang anak.












